May malaking pananagutan si dating Philippine National Police (PNP) chief general Oscar Albayalde sa umano’y iregularidad sa nangyaring anti-drug operation ng kanyang mga dating tauhan sa Pampanga noong November 2013.
Ito ang nilalaman ng committee report ng Senate Blue Ribbon committee kasunod ng mga isinagawang pagdinig hinggil sa usapin ng ‘ninja cops’.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, maaaring makasuhan ng paglabag sa Section 3 ng Anti Graft and Corruption Act si Albayalde.
Ito ay matapos aniyang mapatunayang tinawagan nito si noo’y Region 3 police director at ngayo’y Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino at dating CIDG Deputy Chief Rudy Lacadin para maki-usap sa kaso ng kanyang mga dating tauhan noong siya ay pinuno pa ng Pampanga PNP.
Maliban kay Albayalde, inirerekomenda rin ni Gordon ang pagsasampa ng kaparehong kaso laban sa 17 pulis na sangkot sa kontrobersiyal na buy bust operation sa Pampanga na pinamumunuan ni Police Major Rodney Baloyo IV.
Lahat sila: Albayalde, Baloyo, the other people in the group na nag raid dyan, ay guilty ng malfeasance,” —Senador Richard Gordon