Tinutugis na ng Philippine National Police (PNP) si dating Police Colonel Eduardo Acierto.
Si Acierto ang nagbunyag na mayroon syang isinumiteng intelligence report na sangkot sa illegal drug syndicate ang Chinese economic adviser ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.
Agad bumuo ng tracker team ang PNP matapos matanggap ang warrant of arrest laban kay Acierto dahil sa pagkakasangkot nito at ng pitong iba pa sa smuggling ng magnetic lifters na di umano’y naglalaman ng bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu nuong nakaraang taon.
Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, umandar na rin ang proseso para makansela ang lahat ng lisensya sa baril ni Acierto dahil sapat nang basehan ang pagkakasangkot nito sa drug smuggling.
Bukod kay Acierto, pinaaaresto rin ng korte sila dating Customs Intelligence Officer Jimmy Guban, dating PDEA Deputy Director for Administration Ismael Fajardo; importers na sila Chan Yee Wah, alias KC Chan; Zhou Quan, alias Zhang Quan; consignees na sina Vedastos Cabral Baraquel Jr. at Maria Lagrimas Catipan ng Vecaba Trading; at isang Emily Luquingan.