Ipinag-utos na ng senado ang pag-aresto kay dating budget undersecretary Christopher Lloyd Lao, Officer-In-Charge ng Procurement Service ng DBM.
Ito, ang kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto, III, makaraang ipa-cite for contempt ng Senate Blue Ribbon Committee si Lao dahil sa hindi pagdalo sa hearing nang ilang beses.
Una nang iginiit ni Committee Chairman at Senator Richard Gordon na hindi na government official si Lao kaya’t hindi ito saklaw ng executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa cabinet officials na dumalo sa mga pagdinig.
Mula Oktubre 5, apat na beses nang hindi dumalo si Lao sa hearing ng kumite kaugnay sa umano’y iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation. —sa panulat ni Drew Nacino