(Updated)
Handang humarap muli sakaling ipatawag si dating PNP-Special Action Force Director Getulio Napeñas sa panibagong imbestigasyon ng senado sa Mamasapano incident.
Ayon kay Napeñas, panahon na upang tapusin ang usapin at ilantad ang iba pang ebidensyang hindi lumabas sa unang imbestigasyon.
“We welcome it, maganda yan, hindi naman nila muling bubuksan yan kung walang sapat na dahilan, at maganda na rin yan para maipagpatuloy at mailabas pa ang iba pang katotohanan na hindi lumabas nung unang imbestigasyon na pinangunahan ni Senador Poe.” Ani Napeñas.
Umaasa naman ang retiradong heneral na sa pagkakataong ito ay magiging patas na ang ilalargang imbestigasyon sa Enero 25.
“Sana magkaroon na ng closure ito, at sana din ay maging parehas na parehas ang pag-iimbestiga, dahil nga yung sa imbestigasyon na pinangunahan ni Senador Poe nung una, maganda yung sa umpisa pero yung mga pinakahuling mga araw, sa tingin ko, sa opinion ko ay nag-iba.” Pahayag ni Napeñas.
Kasabay nito, tila muling naglabas ng sama ng loob si dating Special Action Force Director Getulio Napeñas kaugnay ng madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero ng nakaraang taon.
Ito’y bunsod pa rin ng mga kasong grave misconduct at neglect of duty na isinampa laban sa kanya at kay dating PNP Chief Director General Alan Purisima sa Ombudsman.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Napeñas na sila na nga ang nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay ang 44 na SAF troopers ay sila pa ang pinalalabas na masama.
Kasabay nito, muli ring sinisi ni Napeñas ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa malagim na bakbakan.
“Kung hindi nakialam yung MILF at hindi nila inabangan eh di tapos yung misyon, ang MILF kasama natin, kausap natin sa pang-kapayapaan, nagbakbakan ng umaga alam naman nilang Special Action Force yun, bakit nila in-engage hanggang sa hapon, buhay pa, pinatay nila, minasaker eh.” Dagdag ni Napeñas.
By Drew Nacino | Jelbert Perdez | Ratsada Balita