Tiniyak ni dating San Juan City Vice Mayor Francis Zamora na wala siyang planong magtatag ng dinastiya sa syudad sakaling manalo siya sa recall elections.
Inaasahang ngayong taon magkakaroon ng recall elections sa San Juan City makaraang aprubahan ng Commission on Elections ang recall petition na pirmado ng tatlumpung libo katao kontra kay San Juan City Mayor Guia Gomez.
Ayon kay Zamora, sakaling manalo sa recall elections, ang nais lamang nya ay matapos at makapagsilbi sya sa San Juan sa kanyang tatlong termino o kabuuang siyam na taon. Hindi anya katulad ng mga Estrada na apatnapu’t walong taon nang namumuno sa San Juan.
Kabilang sa mga inilatag na dahilan ng recall elections ang di umanoy maramihang pagbili ng boto nuoong 2016 elections kung saan tinalo ni Estrada si Zamora at di umano’y katiwalian sa syudad.