Nilagdaan na ni dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos ang joint manifestation para i-withdraw ang lahat ng mosyon na kanyang inihain sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Una nang hinamon ni Marcos si Vice President Leni Robredo na lumagda sa naturang dokumento upang mapabilis ang proseso.
Ayon kay Marcos, layon nitong magbigay daan sa ballot recount partikular sa mga probinsya ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Positibo namang tumugon dito ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Romulo Macalintal.
Ayon kay Macalintal, handa silang hintayin si Marcos at mga abogado nito sa isang restaurant sa Roxas Boulevard sa Maynila ngayong 9:00 ng umaga upang saksihan ang kanilang paglagda sa naturang manipesto.
Binigyang diin pa ni Macalintal na hindi sila ang dahilan ng pagpapatagal ng recount dahil si Marcos ang s’yang mayroong maraming nakahaing mosyon sa PET.