Tinawag na ‘collateral attack’ ni dating Solicitor General Florin Hilbay ang ginawang pagsuspinde ng Malakanyang laban kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.
Paliwanag ni Hilbay, hindi maaaring gawin ng Malakanyang ang nasabing hakbang lalo pa at may nauna nang desisyon ang kataas – taasang hukuman tungkol dito.
Gayunman, sinabi ni Hilbay na maaring baligtarin ng Korte Suprema ang naturang desisyon nito na ibinababa noong 2014.
Samantala, iginiit naman ni Hilbay na sinusunod lamang ni Ombudsman Conchita Carpio – Morales ang konstitusyon at pino – protektahan nito ang ‘independence’ ng kanyang tanggapan kaugnay sa naging desisyon nito na huwag nang ipatupad ang ‘suspension order’ laban kay Carandang.
Una nang inihayag ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na posibleng maharap sa ‘impeachment complaint’ si Ombudsman Morales kung igigiit nito na hindi ipatupad ang suspensyon laban kay Carandang.
Sinabi ni Panelo na kung mapatutunayang malisyoso ang nasabing pahayag ni Morales ay posibleng maikonsidera itong ‘betrayal of public trust’ na isang impeachable offense.