Tinawag ni SSS Commissioner Jose Gabriel “Pompee” La Viña na “rehash” o inulit lamang na black propaganda ang akusasyon laban sa kanya na isa sa mga rason kung bakit hindi na pinalawig ang kanyang termino sa ahensya.
Partikular na tinukoy ni La Viña ang alegasyon ni Presidential Spokesman Harry Roque na humingi siya ng 26 million pesos para sa isang personal na “Social Media Project” kung saan siya ang host.
Iginiit ni La Viña na wala namang TV host ang isang social media product at bilang Chairman ng Media Affairs Committee ng SSS ay kanyang isinusulong ang epektibong social media strategy para sa ahensya.
Ang 26 million pesos anya ay proposal lamang ng Media Affairs Department mula sa ilang “traditional media outlets” at hindi nagmula sa “social media.”
Para naman anya sa 1.6 million peso advertising program na pangangasiwaan ng mga SSS official gaya niya at ng SSS chairman at ng pangulo ay inaprubahan ng komisyon subalit hindi tinanggap ng media outlet.