Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman si dating Vice President Jejomar Binay at ang anak nitong si dating Makati City Mayor Junjun Binay sa Sandiganbayan kaugnay sa maanomalyang konstruksyon ng Makati Science High School Building noong 2007.
Nahaharap ang mag-amang Binay sa apat na bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at tatlong bilang ng kasong falsification of public documents sa ilalim ng Revised Penal Code.
Hindi naman nabigla ang kampo ng mag-amang Binay sa naging rekomendasyon ng Ombudsman.
Ayon kay Joey Salgado, tagapagsalita ng mga Binay, nasagot na ng kanilang kampo ang naturang usapin ngunit ipinagwalang bahala ito ng Ombudsman.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Salgado na malilinis din ng mga Binay ang kanilang pangalan mula sa walang basehang akusasyon ng Ombudsman sa paggulong ng kaso sa patas at walang kinikilingang pagdinig sa korte.
Bukod sa mag-amang Binay ay kasama rin sa inirekomendang makasuhan ang 16 na mga dating opisyal ng syudad at 3 pribadong indibiduwal.
By Rianne Briones