Pinag-aaralan na ng Department of Energy kung paano magagamit ang excise tax na makokolekta mula sa tax reform for acceleration and inclusion o train law upang pondohan ang fuel subsidies.
Ito’y bunsod ng sunod-sunod na linggong taas-presyo sa mga produktong petrolyo na labis nang nagpapahirap sa mga mamamayan, lalo sa mga public utility vehicle driver.
Sa isang virtual press briefing ngayong Biyernes, Oktubre 22 sinabi ni Energy Assistant Secretary Gerardo Erguiza Jr. Na tinitingnan ngayon ng DOE ang Section 82 ng train law:
“Sinasabi doon ‘yung excise tax na nakokolekta pwedeng gamitin,” ani Erguiza.
“We are now in the process of asking the DBM kung pwede nating gamitin ito,” dagdag pa niya.
Kung bubusisiin, sinasabi sa Section 82 ng Republic Act 10963 o train law na 30% ng incremental revenues na makuha mula sa naturang batas ay maaaring gamitin bilang pondo para sa unconditional cash transfer at fuel voucher sa mga public utility vehicles at iba pa.
“We will make suggestions on how to tap any resources but part of the resolution is to be able to determine from DBM, kung magkano nakolekta at pwede bang gamitin for this purpose,” ani Erguiza.
Matatandaan na una namang hiniling ni Energy Secretary Alfonso Cusi na mabigyan ang DOE ng kapangyarihan na suspendihin ang excise tax sa langis dahil sa tuloy-tuloy na taas-presyo nito.
Sa pagsususpinde umano rito ay posibleng mapababa ng nasa P8 hanggang P10 ang kada litrong presyo ng produktong petrolyo.