Irerekomenda na ng Department of Energy o DOE ang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo kung umabot na sa 80 dollars per barrel ang average price ng krudo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ito ang inihayag ni Energy Undersecretary Donato Marcos sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produkto.
Bilang tugon naman sa patuloy na oil price increase, una na anyang inianunsyo ng DOE na mag-i-issue sila ng bagong polisiya na mag-uutos sa mga kumpanya ng langis na idetalye ang kanilang price adjustments.
Ayon kay Marcos, ang mga gasoline station na i-regular na nagpapatupad ng oil price increase ay ipasasara.
Magugunitang inihayag ng Malacañang na naghahanap na ang gobyerno ng mas murang pagkukunan ng produktong petrolyo kabilang ang posibleng pag-angkat ng supply mula sa mga hindi kasapi ng organization of petroleum exporting countries.
Inatasan na rin ng kagawaran ang Philippine National Oil Company at PNOC Exploration Corporation na bumalangkas ng resolusyon para sa implementasyon at pagtatayo ng isang partikular na petroleum reserve kung saan maaaring i-imbak ang imported petroleum products.
—-