Nangako si Executive Secretary Lucas Bersamin na sisiguruhin nito ang maayos na koordinasyon at kumpletong trabaho ng mga kawani mula sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ito ay upang maiwasang maulit ang “Miscommunication” na nagresulta sa kontrobersyal na pagpapalabas ng Sugar Order No. 4.
Ito ang tugon ni Bersamin sa naganap na Comission on Appointments (CA) committee on executive secretary hearing sa kaniyang ad interim appointment nang tanungin ni Senator Risa Hontiveros sa hakbang na gagawin upang maiwasang muli ang nasabing isyu.
Nabatid na ang Sugar Order No. 4 ay nag-utos ng pag-aangkat ng 300,000 tonelada ng asukal, isang hakbang na sinabi ng malacañang na ilegal dahil wala itong pag-apruba at pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kalihim din ng Department of Agriculture.