Isa umanong alyas “Prudente” ang naging tulay ng ilang negosyante kay Pangulong Bongbong Marcos noong nakaraang eleksyon at siya namang nasa likod ng paninira ngayon kay Executive Secretary Vic Rodriguez.
Ito ang nabunyag matapos ang mga lumalabas na pangwawasak kay Rodriguez kung saan ang pinakahuli ay ang kumalat na artikulo na nagbitiw ito sa pwesto na malinaw na isang fake news.
Sinasabi na itinuturing ngayon na power broker sa Malacanang si Prudente kung saan ilan sa sinasabing juicy position na ni-lobby nito ay ang Bureau of Customs(BOC), Bureau of Internal Revenue(BIR) at Land Transportation Office(LTO).
Nabatid na ipinagmamalaki ni Prudente na naging masipag siya sa pagso-solicit noong nakaraang eleksyon sa mga negosyanteng gustong tumulong sa UniTeam na karamihan ay mga Chinese businessmen sa Cavite.
Ngunit maraming negosyante ang pinangakuan daw ni Prudente na mabibigyan ng malaking projects kapalit ng hininging pera.
Kaya naman, para makontrol nito ang pagtatalaga ng mga opisyal sa gobyerno ay tinatarget umano nitong siraan si Rodriguez na tinuturing na “Little President” sa inilunsad na malawakang black propaganda.
Maaaring makasira raw sa administrasyon ang patuloy na presensya ni Prudente sa Malacañang dahil kilala ito na malapit sa mga negosyante at opisyal ng gobyerno na nahaharap sa ilang kontrobersiya at kaso.
Sa katunayan, ilan naman daw sa inirekomenda ni Prudente na maupo sa pwesto ay hinarang ni RJ Nieto o kilala sa vlogger name na Thinking Pinoy na isa sa sinasabing miyembro ng screening committee ni Pangulong Marcos.
Isiniwalat daw ni Nieto na may “fictitious character” ang inirerekomenda ni Prudente kaya hindi ito maaaring maiupo sa pwesto.
Magugunitang noong 2018 ay sinibak sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Noel Prudente ngunit hindi tiyak kung siya at ang alyas “Prudente” ay iisa o magkapangalan lamang.