Dinaluhan ng mga kadete ng ROTC-NCR, Philippine Military at Philippine National Police Academy, Officer Candidate School ng Philippine Army, Air Force at Navy ang paggunita sa ika-limang anibersaryo ng Liberation of Marawi sa headquarters ng Philippine Army Grandstand sa Fort Bonifacio, Maynila.
Sa pamamagitan ng isang exhibit tour, itinampok ang mga ginamit na taktika, kagamitan at estratehiya ng Philippine Army para mapalaya ang Marawi City mula sa limang buwang pagkubkob ng mga lokal na teroristang Maute at Abu Sayyaf noong May 23 hanggang October 17, 2017.
Kabilang sa naturang exhibit tour ang paglahok ang mga kadete sa demo lectures at combat display kung saan binigyang buhay ng mga ito ang makasaysayang karanasan at mga iniwang aral sa panahon ng Marawi Siege.
Ginunita at binigyang pugay naman ni Philippine Army Chief LT. Gen. Romeo Brawner, Jr., ang kabayanihan at katapangan ng mga sundalo, law enforcers at mga sibilyan na nagbuwis ng buhay sa panahon ng Marawi. —ulat mula kay Tina Nolasco (Patrol 11)