Nagpapatuloy ang exodus ng mga Lumads mula sa 5 bayan ng Surigao del Sur.
Dahil dito, isinailalim na sa state of calamity ni Surigao del Sur Governor Johnny Pimentel ang lalawigan makaraang pumalo na sa mahigit 3,000 ang evacuees.
Ayon kay Pimentel, karamihan sa mga evacuees na nagkakanlong ngayon sa sports center ng Tandag City ay mga manobo na nagmula sa 27 mga barangay ng 5 bayan.
Sinabi ni Pimentel na karamihan sa mga evacuees ay natatakot bumalik sa kanilang lugar dahil marami sa kanila ang inaakusahang supporter ng mga komunista.
Nagpahayag ng pangamba si Pimentel na tumagal pa ang Lumad refugee crisis hanggat hindi binubuwag ng militar ang mga binuo nilang paramilitary groups.
Ang Magahat militia ang di umano’y nasa likod ng pagpapaalis sa mga residente ng Han-ayan Barangay Diatagon sa bayan ng Lianga kung saan pinatay sina Emerito Samarca, Executive Director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development at Manobo leaders na sina Dionel Campos at Datu Bello Sinzo.
By Len Aguirre