Aprubado na ng senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magtatakda ng 100-day maternity leave sa mga babaeng empleyado sa public at private sectors, caesarian o normal delivery man.
Ayon kay Senador Pia Cayetano, Chair ng Senate Committee on Women, Children, family Relations and Gender Equality at sponsor ng Senate Bill 2982, ang kasalukuyang maternity leave ay kulang pa sa 98-day minimum requirement ng ILO o International Labor Organization.
Nakasaad sa batas ang 60 araw na maternity leave para sa government employees at 60 to 78 days para sa mga manggagawa sa pribadong sektor kahit ano pang paraan nang panganganak.
Sinabi ni Cayetano na tila lugi ang Pilipinas sa ipinatutupad na maternity leave.
Ang nasabing panukala aniya na tinagurian niyang Expanded Maternity Leave Law of 2015 ay naglalayong mabigyan ng sapat na oras ang mga ina na makabawi sa kanilang kalusugan at magawa ng maayos ang tungkulin nito sa anak bago mag-trabaho muli.
Layon din ng panukala na mabigyan ng financial support ang mga ina habang naka-maternity leave.
By Judith Larino | Cely Bueno (Patrol 19)