Aminado ang PAGASA o Philippine Amalgamated Supermarkets Association na mahirap makontrol kung may mga produktong malapit nang mag-expire o expired na sa isang supermarket.
Ayon kay Steven Cua, Pangulo ng PAGASA, mahigit sa 23,000 iba’t-ibang produkto ang nasa isang supermarket kaya’t may posibilidad na may makalusot na expired o malapit nang mag-expire na produkto.
Gayunman, marami aniyang malalaking manufacturers ang nagpapadala ng kanilang promo merchandisers sa mga supermarkets at groceries para bantayan ang kanilang mga produkto.
Pinayuhan rin ni Cua ang mga mamimili na bantayan rin ang kanilang mga binibili upang matiyak na ligtas kainin o gamitin ang mga ito.
“Sana tulung-tulong din ang mga mamimili for your own safety and own welfare ng pamilya mo, it will be good also to check lalo na yung mga hindi isang gamitan lang.” Ani Cua.
SRP
Pinaboran ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association o PAGASA ang Department of Justice Office for Competition na itigil na ang pagpapatupad ng Suggested Retail Price (SRP) para sa iba’t ibang produkto.
Ayon kay Steven Cua, napipilitan silang huwag dalhin ang isang produkto dahil sa liit ng ibinibigay sa kanilang margin para kumita gayung napakalaki ng inilalaan nilang puhunan.
Inireklamo rin ni Cua ang kawalan muna ng konsultasyon sa mga retailers bago ilabas ang listahan ng SRP.
Una nang sinabi ng DOJ-OFC na nalilimitahan ang kompetisyon sa SRP na kung minsan ay nagagamit ring paraan para makontrol ng ilang ahensya ng gobyerno ang presyo ng mga produkto sa merkado.
“Certain SRPs given by manufacturers to the DTI, ‘yun ang ginagamit ng DTI for us to follow, dati tinatanong kami okay ba ito?, minsan may mga produkto nang ibinibigay ng mga manufacturers 3%, 1.3 % ganun ang ipinapatong, 1.3% of P100 is P1.30, diba? Ano ang ise-serve mo sa tao? It doesn’t make sense.” Pahayag ni Cua.
Walang pagbaba
Itinanggi din ng PAGASA na bababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Steven Cua, Pangulo ng PAGASA, Pebrero pa inihahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin dahil sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo at naresolbang port congestion pero hindi pa ito nangyayari.
Hinikayat ni Cua ang pamahalaan na himukin at kausapin ang mga manufacturers na magbaba na ng presyo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita