Labis na ikinatuwa ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr ang naging pagbubunyag ni Senate Majority Leader Tito Sotto hinggil sa umano’y nangyaring dayaan sa 2016 Presidential Elections.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, isang malaking tagumpay aniya para sa kanila ang marinig ng publiko ang kanilang isinisigaw at hindi na sila nag-iisa sa laban.
Nagsisimula na aniyang maisiwalat sa publiko ang mga pandarayang ginawa nuong nakalipas na halalan dahil marami aniyang mga tunay na nagwagi ang nawalan na ng pagkakataong makapaglingkod.
Samantala, ipinauubaya na ng Malakaniyang sa Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimbestiga gayundin ang pagbusisi sa naging pagsisiwalat na ito ni sotto.
Ayon kay Presidential Spokeman Harry Roque, hindi nila maaaring panghimasukan ang COMELEC dahil ito’y isang independent body.
Gayunman, sinabi ni Roque na umaasa silang mabibigyang linaw ang naturang usapin na maituturing na seryoso at napakasensitibong bagay.