Patuloy ang extortion at kidnapping activities ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa Sarangani at Davao Provinces, kahit may idineklarang ceasefire.
Ito ang inihayag ni Lt. Col. Ronnie Babac, commanding officer ng 73rd infantry battalion ilang araw bago ang pagpapatuloy ng usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF-CPP-NPA sa Oslo, Norway.
Ayon kay Babac, posibleng maapektuhan ang peace talks kung hindi ititigil ng rebeldeng grupo ang kanilang mga iligal na aktibidad.
Noong Martes, isang barangay kagawad anya mula sa barangay Datal Anggas sa Sarangani ang dinukot ng limang rebelde sa pangunguna ng isang L3 sa Sitio Kalugbo subalit pinalaya makalipas ang dalawang araw kapalit ng 50,000 Pesos.
Inakusahan din ng militar ang CPP-NPA na humihingi ng revolutionary tax sa mga negosyante at store owner.
By: Drew Nacino