Aalamin ng gobyerno ng Pilipinas kung saklaw ng RP-US extradition treaty si Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito’y kung sakaling igiit ng U.S Government ang extradition kay Quiboloy na nahaharap sa kasong sex trafficking sa California.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, isasagawa nila ang pag-aaral katuwang ang Department of Foreign Affairs.
Sakali anyang saklaw ng tratado ang mga isinampang kaso sa kaibigan at spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, maghahain ng petisyon para sa extradition sa korte.
Kung pagbibigyan naman at maging pinal ang desisyon ng korte sa Pilipinas, maaaring i-turn-over si Quiboloy sa U.S. Para sa karagdagang legal proceedings.
Nobyembre a-disi otso nang kasuhan si Quiboloy ng federal grand jury ng sex trafficking, maging ang ilang miyembro ng K.O.J.C.—sa panulat ni Drew Nacino