Hindi sapat ang pagsusuot ng face mask at face shield para maprotektahan ang isang tao laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mataong lugar.
Ito ang paalala ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod na rin nang pagkukumpulan ng mga tao sa Divisoria, Maynila at Baclaran sa Pasay City ngayong papalapit na ang kapaskuhan.
Mariin ding ipinaalala ni Vergeire na hindi pa rin pinapayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga mass gathering dahil sa panganib ng pagkahawa sa virus.
Hindi pa rin aniya nawawala ang virus, kaya’t payo ni Vergeire sa publiko, iwasan muna ang pagpunta sa mga matataong lugar hanggat maaari.
Sa ngayon ay mayroon nang 418,818 naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan, 386,486 sa mga ito ang gumaling na habang 8,123 ang nasawi.