Kaya mo bang kainin ang face mask na ginagamit mo bilang proteksyon laban sa virus?
Ito lang naman ang imbensiyon ng tatlong university students mula sa Okinawa at Fukuoka, Japan. Dahil gusto nilang makaamoy ng tinapay sa lahat ng oras, lumikha sila ng face mask na gawa sa melon bread!
Ito ang Mask Pan, ang tinaguriang world’s first edible face mask.
Ayon sa The Labo, ang experimental division ng Goku no Kimochi, ang effectiveness ng Mask Pan ay katumbas o mas mahusay pa sa mga mask na mabibili sa merkado.
Tinest din ng Unitika Garmentec Research Institute ang bisa nito at napatunayang kaya nitong i-block ang droplets na may virus dahil sa umano’y high density fibers na taglay ng melon bread.
Ngunit ayon sa mga eksperto, mababawasan ang performance ng Mask Pan kung kakainin ito mula sa loob. Nagbabala rin silang huwag kainin ang outer part ng mask, lalo na kung ginamit ito sa labas at mataong lugar.
Mabibili ang limang piraso ng Mask Pan sa halagang 1,800 yen o higit P700, ngunit mabilis itong na-sold out matapos ilabas sa publiko.