Oobligahin na ang mga empleyado o manggagawang nasa kanilang trabaho na magsuot ng face shield simula sa ika-15 ng Agosto.
Ito ang inanunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III makaraang aprubahan ng pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) bilang pag-iingat kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ibig sabihin nito, bukod sa pagsusuot ng facemask, pagkakaroon ng social distancing, ay kailangan na ring magsuot ng face shield ang mga empleyado habang naka-duty sa kani-kanilang mga opisina.
Pero paliwanag ni Bello, dapat ang mga employer ang sasagot sa ipamimigay na libreng face shield, habang may katapat na parusa naman sa mga employer na hindi susunod sa kautusan.
Kaugnay nito, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, matapos ang kanilang ginawang survey sa mga materyales na ginagamit sa paggawa ng face shield, lumalabas na hindi dapat hihigit sa P50 ang halaga ng isang face shield sa merkado.
Nauna rito, hiniling ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Department of Health na magtakda ng suggested retail price (SRP) sa mga ibinibentang face shields.