Hindi na ibabalik pa ang tradisyunal na face-to-face classes.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera, simula kasi ngayon ay gagawin ng pamantayan ang flexible learning, at pinagtibay na rin aniya ng ched ang polisya para sa flexible learning sa susunod na academic school year 2021-2022.
Sinabi ni De Vera, isa kasi sa naging kunsiderasyon nila sa nasabing bagong polisiya ay dahil sa mga sentimyento ng mga educational stakeholders sakaling muling magkaroon ng panibagong pandemya.
Bukod dito, isa rin aniya sa kanilang naging basehan ay ang naging investment at adjustment sa teknolohiya, training ng mga guro, pati na ang retrofitting ng mga pasilidad upang makapagsagawa lamang ng flexible online classes dahil sa COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni De Vera, dahil sa ipatutupad na polisiyang ito ay magpapatupad ang mga unibersidad at mga pribadong paaralan ng flexible learning methods na angkop sa kanilang sitwasyon.
Matatandaang ipinatupad ang online classes sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.