Dapat na ihiwalay ang assessment ng posibilidad ng pagkakaroon ng face-to-face classes sa Metro Manila at sa rural areas o mga probinsya.
Ito, ayon ka Pasig City Representative Roman Romulo, ay dahil di hamak na mas marami ang bilang ng populasyon sa National Capital Region (NCR) kaya’t isang hamon ang pagpapanatili ng physical distancing sa mga paaralan upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Naniniwala naman aniya si Romulo na posible ang pagkakaroon ng face-to-face classes sa mga rural areas kung titiyakin ang sapat na paghahanda ng Department of Education, ng Department of Health at mga lokal na pamahalaan hinggil dito.
Kinakailangan din aniyang maipatupad pa rin ang minimum health protocols laban sa COVID-19.
Magugunitang nagpahayag din ng suporta ang ilang senador sa pagsasagawa ng pilot testing ng face-to-face classes sa ilang mga piling paaralan matapos ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahing ipagpatuloy ang klase bago mag-Agosto.