Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi nila iuurong ang face-to-face classes na nakatakdang simulan sa Agosto a-22.
Ayon kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio, inaprubahan na ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang DepEd Order no. 34 kung saan, nakapaloob dito ang school calendar para sa susunod na pasukan.
Bukod pa dito, inaprubahan nadin ang pagsisimula ng limang araw na full face-to-face classes sa Nobyembre a-2.
Naniniwala ang bise presidente na nasa mas mabuting posisyon na ngayon ang bansa para sa pagbabalik ng normal na klase dahil mas natuto na ang mga tao sa tamang pagsuot ng facemask.
Nakatulong din sa bansa ang mataas na antas ng pagbabakuna kung saan, nasa mahigit pitumput isang milyon na ang bakunado.
Samanatala, aminado naman ang bise presidente na nagkaroon ng learning losses sa mga kabataan na nasa online classes o distance learning bunsod ng pandemiya kaya kanilang tutugunan ang kahalagahan nito.
Sa kabila nito, sinabi ni VP Sara na kanilang uunti-untiin ang pagbabalik ng klase para magkaroon ng sapat na oras at makapaghanda ang mga paaralan, mga magulang, mga guro maging ang mga mag-aaral.
Sa ngayon, pinag-uusapan pa ng kagawaran na gawing 3 days ang in-person at 2 days na remote o distance learning bago gawing 4 days in-person classes na mayroong 1 day distance learning.