Walang pang katiyakan kung kailan muling makababalik sa dating gawi ang edukasyon sa bansa dahil sa nagpapatuloy na banta ng pandemya.
Ito ang naging tugon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) makaraang lumutang ang ilang suhestyon ng mga local government units (LGUs) na walang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na payagan na ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, klaro o malinaw naman ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa ngayon ay huwag munang payagan ang pagsasagawa ng face-to-face classes habang wala pang bakuna laban sa virus.
Pero paliwanag ni San Antonio, patuloy ang kanilang pag-aaral at paghahanda sa anumang posibilidad sakaling payagan na ang pagsasagawa ng mga face-to-face classes gaya ng isa o dalawang beses kada linggo sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.