Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagbabalik ng face-to-face clinical internship program ng University of the Philippines College of Medicine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, gagawin ang internship ng mga estudyante ng UP College of Medicine sa Philippine General Hospital sa Manila City.
Maliban dito, plano rin ng UP na siyang nangangasiwa sa PGH, na maglagay ng extension ng ospital sa loob ng main campus ng unibersidad sa Diliman sa Quezon City.
Layunin nitong mapalawak pa ang kapasidad ng PGH at maging karagdagang training ground para sa mga nangangarap maging doktor.