Itinanggi ni Senador Grace Poe na kanyang isinulong ang pagbabawal ng Facebook sa Pilipinas dahil sa pagkalat ng fake news.
Ayon kay Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, tangi nilang magagawa sa Senado ay hikayatin ang Facebook na makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas.
Iimbitahan aniya nila sa susunod na pagdinig ng Senado ang mga kinatawan ng Facebook na hindi nakadalo sa huling hearing hinggil sa fake news, noong Miyerkules.
Ipinunto ng senador na kabilang ang mga Pilipino sa pinakamahilig gumamit ng Facebook kaya’t mahalagang magpaliwanag ang mga opisyal at kinatawan ng naturang social media platform sa issue ng mga pagkalat ng mga maling impormasyon.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na hindi na kailangang magpasa ng batas upang kontrolin ang mga impormasyon pero dapat turuan ang publiko kung paano matukoy ang lehitimong impormasyon mula sa mga maling balita.
—-