Binatikos ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP ang social media site na Facebook matapos na burahin nito ang isang posts hinggil sa umano’y ‘compromise deal’ sa pagitan ng pamahalaan at pamilya Marcos.
Sa isang pahayag, kinondena ng NUJP ang walang basehan na pagtanggal ng Facebook sa post ng isang netizen na pumupuna sa pamahalaan.
Anila, isang malinaw na paglabag sa karapatan sa malayang pagpapayahag ang ginawa ng Facebook.
Hinimok din ng NUJP ang pamunuan ng Facebook na muling suriin ang kanilang guidelines na ginagamit bilang batayan para burahin at alisin ang mga kritikal na komentaryo.
Una dito, tinanggal ng Facebook ang posts nina Education Advocate Gang Badoy Capati at kolumnistang si Tonyo Cruz kaugnay ng kopya ng umano’y compromise deal ng pamahalaan at pamilya Marcos dahil sa paglabag sa Facebook community standards.
Kasalukuyan namang naibalik na ang nasabing mga posts kung saan sinabi ng Facebook na aksidente nila itong nabura.