Kinuwestyon ni Senate Committee on Public Information and Mass Media Chairman Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang Facebook sa tila censorhip nito sa post ng ilang opisyal at tanggapan ng gobyerno.
Iginiit ni Revilla na dapat ay magbigay ang Facebook ng basehan sa pagpigil at pagkwestyon sa lehitimong mensahe at gawain ng pamahalaan sa platform ng nasabing socia media giant.
Katulad anya ng pinost ni National Security Adviser Hermogenes Esperon at Philippine News Agency, hindi rin nakaligtas sa censorship ng FB ang post ni Commission on Higher Education Chairman Popoy De Vera hinggil sa libreng edukasyon sa bansa.
Ayon sa senador, marami rin silang natatanggap na reklamo sa pag-suspinde ng mga account sa hindi mabatid na kadahilanan at tila pagsupil sa malayang pamamahayag.
Binigyang-diin ni Revilla na kinikilala naman ang mga hakbang ng facebook at parent company nitong Meta laban sa disinformation, bullying, paghahasik ng hidwaan at terorismo sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo at community standards.
Gayunman, tila nag-malabis na anya ang FB at naging balakid sa pagganap ng tungkulin ng matataas na opisyal ng pamahalaan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)