Hinimok ni Albay First District Representative Edcel Lagman si Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng Independent Fact-Finding Commission na mag-iimbestiga sa summary killings at iba pang kaso na may kinalaman sa droga.
Ayon kay Lagman, ang proposed fact-finding commission ay dapat binubuo ng mga retiradong justices ng Korte Suprema at Court of Appeals (CA).
Idinagdag ni Lagman na hindi dapat pagkatiwalaan ang mga otoridad sa pagsasagawa ng imbestigasyon dahil may ilang police officers at personnel ang sangkot, habang ang liderato naman ng DOJ o Department of Justice ay partisan ally ng Presidente.
Sa pinakahuling datos, aabot na sa 80 katao ang napatay sa anti-drug police operations sa Metro Manila at Bulacan, kabilang na ang 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos.