Sinibak na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga terminal heads at travel control and enforcement unit heads sa mga paliparan.
Ginawa ito ni Immigration commissioner Jaime Morente matapos mabunyag na umiiral pa rin ang “pastillas scheme” kung saan tumatanggap ng lagay ang mga tauhan ng Immigration kapalit ng pagpasok sa bansa ng Chinese POGO workers.
Ayon kay Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI, bumuo na rin ng fact finding committee si Morente upang imbestigahan ang anomalya.
NGAYON sa #RatsadaBalita kasama si @iamalexsantos: Dana Sandoval – spokesperson, Bureau of Immigration | LIVE https://t.co/HHOy7zaafm pic.twitter.com/BUPuyx6wPO
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) February 17, 2020
Dumulog na rin ang Immigration sa Department of Justice (DOJ) upang paimbestigahan sa NBI kung mayroong koneksyon sa sindikato ang ilang tauhan ng Immigration.
Ayon kay Sandoval, hindi na bago ang “pastillas scheme” sa Immigration subalit hindi inakala ng kanilang hepe na nagpapatuloy pa rin ito sa kabila ng mga nakasuhan na noon dahil sa pagtanggap ng lagay.
Una rito, lumabas sa hearing sa senado na umaabot na sa P1-bilyon ang napakawalan sa Immigration kapalit ng mas mabilis na pagpasok sa bansa ng mga Chinese nationals na manggagawa ng POGO. —sa panayam ng Ratsada Balita