Pinakakasuhan ng isa pang komite sa Kongreso sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at labing isang (11) iba pa.
Sa report na inilabas ng House Ways and Means Committee, inirekomenda nilang kasuhan si Faeldon at mga kasamahan nito ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Customs Modernization and Traffic Act, Anti-Red Tape Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Maliban sa pagsasampa ng kaso, inirekomenda rin ng komite ang pagsibak sa mga sumusunod na opisyal ng BOC o Bureau of Customs.
Deputy Commissioner Gerardo Gambala, Director Neil Anthony Estrella na una nang nagbitiw sa puwesto, Director Milo Maestrecampo, Mary Grace Malabed, Larribert Hilario, Vincent Philipp Moronilla, Lorna Rosario, Ranier Ragos, Alexandra Yap Ventura, Mandy Anderson at Althea Acas.
Maliban sa mga opisyal ng BOC, nais rin ng komite na sibakin na ang lahat ng consultants at contractual employees na mayroong kontrol o mas mataas pa sa mga regular at career employees ng BOC.
Una nang inirekomenda ng House Committee on Dangerous Drugs ang pagsasampa ng kahalintulad na kaso kina Faeldon at iba pang opisyal ng BOC.
Nag-ugat ito sa imbestigasyon sa pagpasok sa bansa ng mahigit sa 6 na bilyong pisong halaga ng shabu at iba pang katiwalian sa BOC.
—-