Nakahanda sina Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon at Regional Superintendent Melencio Faustino na sumailalim sa lifestyle check.
Kasunod ito ng naging hamon ni Senadora Imee Marcos sa dalawang opisyal sa gitna na rin ng kontrobersiya sa pagpapatupad ng GCTA o Good Conduct Time Allowance.
Sa pagdinig ng senado sa kontrobersiya, sinabi ni Marcos na pinangangambahan ng nakararami ang posibilidad na ibinebenta ang GCTA para maagang makalaya ang mga nahatulan nang bilanggo.
Mariin namang itinanggi nina Faeldon at Faustino ang akusasyong for sale ang GCTA at ibinibigay sa mga preso kapalit ng pera.
Paliwanag ni Faeldon, otomatikong ibinibigay ang time allowance at hindi kinakailangang hingin ng mga bilanggo.
Wala aniya siyang nakikitang dahilan para magbayad sa GCTA dahil nakabatay ito sa bilang ng taon at buwan na naging mabuti ang isang inmate habang ito ay nasa loob ng kulungan.