Maaaring makulong si dating Customs commissioner Nicanor Faeldon sa New Bilibid Prison o Pasay City Jail.
Ito ang naging sagot ni Senador panfilo Lacson makaraang ihayag ni Faeldon na nakahanda siyang isuko ang sarili sa Senado pero iginiit na hindi na makikilahok at sasagot pa sa mga pagdinig kaugnay ng pagkakapuslit sa mahigit 6 na bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.
Ayon kay Lacson, nasa pagpapasya na ni Faeldon kung pipiliin niyang makulong subalit gagawin din aniya ng Senado ang karampatang hakbang para pagsalitain ito.
Samantala, inamin ni Lacson na patuloy siyang nakatatanggap ng mga impormasyon at ebidensiya na magpapatunay sa matagal nang talamak na korapsyon at tara system sa BOC o Bureau of Customs.
Ayon kay Lacson, ang kanyang mga natatanggap na ebidensiya ay hindi lamang mag-uugnay kay dating BOC Commissioner Nicanor Faeldon sa katiwalian kundi maging sa iba pang personalidad na kanyang nabanggit sa kanyang privilege speech.
Giit ni Lacson, oras na makumpleto niya ang mga ebidensiya at impormasyon ay kanya na itong iaakyat sa Ombudsman para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ibinunyag din ni Lacson na may hawak na blue book si Customs fixer Mark Taguba na naglalaman ng listahan at record ng mga pinagbibigyan niya ng tara sa BOC.
(Sapol Interview)