Inihahanda na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong trabaho para kay resigned Customs Chief Nicanor Faeldon.
Ito’y makaraang tanggapin ng Pangulo ang pagbibitiw ni Faeldon sa Bureau of Customs matapos makaladkad ang pangalan nito sa umano’y katiwalian sa Aduana.
Inilathala ng pahayagang Philippine Star na nakipagpulong umano si Faeldon kay Pangulong Duterte sa Davao City kung saan ito nagpalipas ng weekend.
Bagama’t hindi natukoy kung saang tanggapan ilalagay si Faeldon, maugong na ilalagay umano ito sa opisinang nasa ilalim ng Office of the President.
Lacson kay Faeldon: Walang personalan trabaho lang
Iginagalang ni Senador Panfilo Lacson ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kay resigned Bureau of Customs Chief Nicanor Faeldon.
Ito’y makaraang ihayag ng Pangulo na nananatili pa rin ang kaniyang kumpiyansa at tiwala kay Faeldon sa kabila ng pagkakalusot ng mahigit 6 bilyong pisong halaga ng shabu sa Aduana.
Sa panayam ng Programang Usapang Senado kay Lacson nitong weekend, malinaw aniya ang impormasyong kaniyang natanggap at hindi ito maikakaila ng mga hawak niyang dokumento.
Paglilinaw ng senador, hindi niya pinepersonal si Faeldon nang idawit niya ito sa listahan ng mga umano’y nakinabang sa tara o payola system sa Customs.
Sa katunayan, sinabi ni Lacson na maging siya ay nagulat nang maka-ilang beses lumabas ang pangalan sa mga intellegence reports na kaniyang kinalap.
By Jaymark Dagala