No show si Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa pagpapatuloy na pagdinig ng Kamara kaugnay sa P6.4-B na halaga ng shabu na nakapuslit sa bansa.
Ayon kay Customs Deputy Commissioner Natalio Ecarma, nasa ospital si Faeldon dahil sa dental emergency kaya’t hindi ito makadadalo sa pagdinig.
Gayunman, hindi kumbinsido ang mga mambabatas sa nasabing dahilan ni Faeldon at iginiit ng mga ito na dapat sumipot ang hepe ng BOC o Bureau of Customs sa Kamara.
Mga atleta na kinuha ng BOC humarap sa pagdinig
Humarap na sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs ang mga dating manlalaro ng PBA at ilang volleyball players na napag-alamang kinuha ng Bureau of Customs (BOC) para magsilbing intelligence officers.
Kabilang dito sina Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, EJ Feihl at iba pa.
Natuklasan sa pagtatanong ni Quezon City Representative Winston Castelo kay Feihl na mahigit isang taon na ito sa Customs at sumusweldo ng P40,000.00 kada buwan.
Ngunit hanggang ngayon, ang mga manlalarong ito ay hindi pa nakakapagbigay ng kahit isang intel report sa pamunuan ng ADUANA.