Nanawagan si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Junior ng isang pambansang hakbang para protektahan ang mga botante mula sa digital deception, kasunod ng ulat tungkol sa paggamit ng mga pekeng social media accounts upang ipagtanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte at manipulahin ang mga isyu na maaaring makaapekto sa resulta ng 2025 midterm elections.
Ayon sa House Leader, dapat ipagtanggol ang mga mamamayang Filipino hindi lamang mula sa “Guns and goons” Kundi pati na rin sa paglaganap ng mga ghost accounts sa kanilang social media feeds bitbit ang propaganda at panlilinlang.
Lumabas anya sa ulat ng Reuters na halos 1/3 ng mga social media account na nagpo-post tungkol sa kaso ni Duterte sa International Criminal Court ay peke.
Nagbabala naman ang mambabatas mula Pampanga na ang patuloy na pagkalat ng digital manipulation ay isang seryosong banta sa integridad ng proseso ng halalan sa bansa.—sa panulat ni Kat Gonzales