Nagpasaklolo na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) kaugnay ng kumalat na pekeng balita hinggil kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos lumabas ang edited na frontpage ng isang pahayagan sa Bangkok kung saan makikita ang larawan ni Pangulong Duterte habang pinag-sasabihan umano ng Thailand King na umaayos sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, humingi na sila ng tulong sa cyber forensic division ng NBI para matukoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng nabanggit na pekeng balita.
Paliwanag ni Andanar, mahalagang ma-trace ang pinagmulan ng maling balita dahil posible itong makaapekto sa magandang relasyon ng Pilipinas at Thailand.
Una nang iginiit ni Andanar na fake news ang lumabas na larawan ng Bangkok Post kasabay ng pagpapakita ng orihinal na kopya nito kung saan hinggil sa 5-g cellphone ang nakalagay sa frontpage.