Naging usap-usapan sa social media ng ‘AlDub Nation’ ang kapuna-punang pagkawala ng phenominal actress host na si Maine Mendoza sa Eat Bulaga.
Ito ay ilang araw matapos na mag-post si Maine ng isang open letter ng kanyang saloobin tungkol sa showbiz career nito kung saan kanyang iginiit na magkaibigan lamang sila ng ka-love team na si Alden Richards.
Simula noong Nobyembre 28 kung kailan ipinost ni Maine ang kanyang open letter hanggang noong Sabado ay hindi na nakitang lumabas sa Eat Bulaga ang aktres.
Dahil dito samu’t sari na ang lumabas na espekulasyon kaugnay ng pagkawala ni Maine ng ilang araw sa noon time show tulad na lamang ng paglipat nito sa kabilang network at pagkakatanggal niya sa Eat Bulaga.
Gayunman sa isang white rally na ginawa ng mga miyembro ng ‘AlDub Nation’ sa labas ng broadway para magpakita ng suporta sa aktres, mismong ang ina ni Maine ang tumiyak na mananatili ito sa Eat Bulaga.
Samantala nagpakita naman sa publiko si Maine noong December 1 sa launching ng isang pinakabagong series ng isang smartphone sa Makati.
—-