Nag-uunahan ngayon sa takilya ang pelikulang “Fantastica” ni Vice Ganda at ang “Jak Em Popoy: The Puliscredibles” na pinagbibidahan naman nina Bossing Vic Sotto, Coco Martin at Maine Mendoza.
Ayon kay Metro Manila Film Festival spokesperson Noel Ferrer, naging matagumpay ang unang araw ng 2018 MMFF noong Disyembre 25.
Masaya ring ibinalita ni Ferrer na kanilang maaabot ang target nilang isang bilyong pisong kita para sa lahat ng mga pelikulang kalahok sa MMFF.
Sinabi naman ni Ferrer na bagama’t ayaw na nilang banggitin ang eksaktong kita ng kasalukuyang pinakamalakas na pelikula para na rin maging patas sa lahat, inaasahan na aniya ang pangunguna ng mga pelikula ni Vice Ganda at nina bossing Vic at Coco na nag-aagawan lamang sa puwesto.
Sumunod naman sa dalawa ang pelikula ni Anne Curtis na “Aurora” bagamat medyo malayo aniya ang agwat nito.
Samantala, inaabangan naman mamaya ang MMFF Awards night na gaganapin sa The Theatre sa Solaire sa Pasay City.