Bumaba ng 5 hanggang 10 porsyento ang pasahe sa lahat ng sasakyang pandagat maging sa mga cargo vessels.
Sa harap ito ng patuloy na pagbagsak ng presyo ng produktong petrolyo lalo na ng diesel.
Ayon kay Ricky Hora, Spokesman ng Maritime Industry Authority o Marina, nagpadala sila ng paalala sa mga operator ng barko, cargo vessels at maging ng mga bangka na dapat na nilang ikunsidera ang pagtapyas ng pasahe.
Ipinaliwanag ni Hora na batay sa kasalukuyang batas, puwedeng magbaba o magtaas ng pasahe ang mga sasakyang pandagat dahil deregulated na sila mula pa noong 2004.
“Halos lahat sila ay sumusunod dahil healthy competition po ngayon kahit hindi po bumababa ang presyo ng krudo pero kung gumaganda ang kanilang performance, at ma-lessen yung kanilang operational expenses, marami pong nag-aapear sa amin na bumaba sila.” Ani Hora
Gayunman, naka-monitor pa rin anya ang Marina lalo na sa mga lugar na kokonti ang magka kumpetensyang barko o bangka dahil maaari itong maabuso.
Inihalimbawa ni Hora ang isang barkong biyaheng Romblon na anya ay nagbaba ng 50 porsyento ng kanilang pasahe.
“Ito pa nga po ang isang paiimbestigahan namin kasi po sa isang ruta diyan sa Romblon, ay merong bumaba ng dati 250 yata or more, nagbaba po ng 50 percent baka yun naman po ay cut-route competition, yun po bang gustong patayin ang kalaban niya sa ruta kasi po anytime na may mga extraordinary occurrences na ganyan, nag-iintervene po ang Marina. Kung gustong magtaas dapat ipaskil mo ang rates mo sa iyong barko, sa terminal at sa lahat ng makikita ng tao, at kung puwedeng i-publish mo pa, 15 days lang bago mag-epekto, pero kung ito naman ay downward adjustment, immediately po mag-eepekto ito.” Pahayag ni Hora.
By Len Aguirre | Ratsada Balita