Posibleng pag-isahin na lamang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang lahat ng mga nakahaing petisyon para sa tapyas singil sa pasahe sa mga bus.
Ito’y makaraang boluntaryong magsumite ng kanilang provisional fare reduction ang samahan ng mga Metro Manila bus companies.
Sa panayam ng DWIZ kay LTFRB Chairman Winston Ginez, makakaasa ang publiko na agad silang magpapalabas ng desisyon sa lalong madaling panahon.
“Ito po’y welcome naman natin itong voluntary move na ito ng mga Metro Manila bus operator, pero hindi po kami bound na ito ay magiging hanggang ganito lang ang pagbababa dahil nga may nakahain na ibang petisyon na kailangang madesisyunan na din po natin” Pahayag ni Ginez.
Una rito ay nihain ng isang transport group sa Land transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kanilang petisyon.
Ito’y para boluntaryong tapyasan ang pamasahe sa mga pampublikong bus na pumapasada sa Metro Manila.
Batay sa inihaing voluntary provisional fare reduction ng Samahang Transport Operator ng Pilipinas o STOP, P1.00 ang inihirit nilang pansamantalang rollback para sa unang apat na kilometro.
Kung aaprubahan, P11 na ang magiging pamasahe sa mga aircon bus mula sa kasalukuyang P12 habang P9 na mula sa dating P10 ang pamasahe para sa ordinary buses.
Ayon sa grupo, ang bumababang presyo ng diesel sa world market ang siyang dahilan para ihain ang naturang petisyon.
By Jaymark Dagala | ChaCha