Masusi nang iniimbestigahan ng pamunuan ng Philippine National Police ang isang opisyal nito na sinasabing utak umano sa pagdukot at pagpatay sa online seller na si Nadia Casar sa Palayan City, Nueva Ecija.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, batay sa inisyal nilang imbestigasyon ay isang Police Colonel na nakatalaga sa PNP Maritime Group ang sinasabing may-ari ng naturang farm kung saan ibinaon ang sunog na labi ni Casar.
Hindi na nagtaka pa ang PNP Chief kung galing sa iba’t ibang himpilan ng pulisya ang mga sangkot sa krimen dahil minsan na aniya silang nagkasama sa operasyon kontra iligal na droga.
Nakatanggap din ng ulat si Eleazar na sangkot din sa online sabong ang ilan sa mga pulis na suspek sa krimen kaya’t naghahanap umano ang mga ito ng iba pang iligal na paraan para magkapera.
Maliban sa pagpatay at pagsunog kay Casar, ginameleazait din nila sa panghoholdap ang sasakyan ng Grab driver na siyang naghatid kay Casar mula Cavite patungong Sta. Rosa sa Laguna.
Sa huli, nanawagan si Eleazar sa iba pang suspek na pulis partikular na sina PMSgt. Rowen Martin ng Cabanatuan PNP at PSSgt. Drextemir Esmundo gayundin sa sibilyang si Franklin Macapagal na sumuko na dahil kumikilos na ang lahat ng yunit ng Pulisya para sila’y tugisin. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)