Iniharap na sa publiko sa kauna-unahang pagkatataon simula nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City si Father Chito Suganob, matapos bihagin ng grupong ISIS-Maute.
Ayon kay AFP Chief of Staff, Gen. Eduardo Año, ikinuwento sa kanila ni Suganob na hindi naman siya sinaktan ng mga terorista at sa halip ay pinapakain siya ng maayos.
Gayunman, ang iba anyang kondisyon ng kanyang mga kasamahang bihag na pinagsusuot umano ng uniporme ng ISIS ay pinagbibitbit ng armas at pinapoposte sa Mosque.
Sa kanyang pagharap sa Camp Aguinaldo, nagpasalamat si Suganob sa publiko at humingi ng dasal para sa kanyang paggaling o recovery.
Nang kamustahin ng media, pabirong sinagot ni Suganob na siya ay malakas at gwapo.
Pagliligtas kay father Suganob naging pahirapan – AFP
Aminado si AFP Chief, Gen. Eduardo Año na naging pahirapan ang pagliligtas kay Father Teresito “Chito” Suganob dahil makailang beses umano itong tumangging sumama sa militar.
Ayon kay Año, maka-ilang beses ng sinabihan ni Sugano ang mga sundalo na hayaan na lang siyang mamatay sa loob ng Mosque dahil tanggap na nya ang kanyang kapalaran.
Nailigtas si suganob at isa pang bihag na guro na kinilalang si Lindberg Acopio habang nagkakaputukan sa Bato Mosque Noong sabado ng gabi kung kailan nilusob ng mga sundalo ang mga nalalabing miyembro ng ISIS-Maute sa Marawi City.
Sa ngayon ay sumasailalim sa custodial debriefing si Suganob at hindi pa ito nakakaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ulat ni Jonathan Andal
SMW: RPE