Umapela ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa Facebook na imbestigahan at ipasara ang may 63 accounts na ginagamit ng Maute Terror Group gayundin ng kanilang mga symphatizer bilang propaganda.
Ayon kay Lt/col. Jo-Ar Herrera, spokesman ng 1st infantry division ng Philippine Army, pawang mga malisyoso at pekeng impormasyon lamang ang ipinakakalat ng mga nasabing Facebook accounts na layong lasunin ang isipan ng publiko.
Sa panig naman ni AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, nakikipag-ugnayan na sila sa FB Philippines at nagpahayag naman ito ng kahandaang tumulong sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Padilla, sa katunayan aniya ay nakapagpasara na sila ng ilan sa mga naturang accounts na ang tanging layunin lamang ay maghasik ng kasinungalingan at takot sa mga Pilipino.
By: Jaymark Dagala / Jonathan Andal