Pinaalalahanan ng Food and Drug Administration o FDA ang publiko hinggil sa maling paggamit ng glutathione o pampaputi dahil tiyak na magdudulot ng problema kung abuso sa paggamit nito.
Itinuturing ang compound na glutathione na anti-oxidant o panlaban sa toxins sa katawan at pampataas ng resistensya.
Ayon sa FDA, ligtas ang pag-inom ng glutathione capsule bilang anti-oxidant, pero dapat hanggang 500-milligrams lamang kada araw.
Subalit dahil sa side effect ng gluta ang pagputi ng isang indibidwal, marami ang inaabuso ang paggamit nito.
Ibinabala ng FDA na delikado ito dahil maaari itong humantong sa problema sa kidney, thyroid, magdulot ng skin rashes at matinding pananakit ng tiyan.
Samantala, pinaigting na ng FDA ang surveillance sa mga beauty spa at mga clinic na nag-i-inject ng gluta bilang pampaputi dahil malinaw na paglabag ito sa Food and Drug Administration Act.
Tatanggalan ng lisensya ang mga establishment na mahuhuli at magmumulta mula P50,000 hanggang kalahating milyong piso.
By Meann Tanbio