Hindi pa napatutunayan ang pagiging epektibo ng mga produktong Prodex-B at Fabunan antiviral injections laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ng Food and Drug Administration (FDA) batay sa kanilang ipinalabas na abiso bilang pagsalungat sa kumalat na impormasyon sa social media hinggil sa dalawang nabanggit na produkto.
Ayon sa FDA, nananatiling hindi rehistrado ang Prodex-B at Fabunan antiviral infections kaya hindi ito maaaring ibenta sa publiko.
Hanggang sa kasulukuyan anila ay wala pang isinusumiteng aplikasyon para sa product registration ang manufacturers at nagbebenta ng mga nabanggit na produkto.
Binigyang diin ng FDA, maaari lamang i-distribute ang dalawang produkto kapag napatunayan nang ligtas at epektibo ng mga ito para makagamot laban sa COVID-19.
Una na ring sinabi ng Fabunan medical clinic na hindi nila ibinebenta ang kanilang antiviral injection at eksklusibo lamang ginagamit ng kanilang mga doktor.