Pinaalalahanan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko hinggil sa mga umano’y rapid test kit para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa FDA, wala pang point-of-care test kit o rapid test kit para sa virus na aprubado ng ahensya.
Ang mga rapid test kit ay nagbibigay ng agarang resulta sa loob lamang ng ilang minuto.
Dagdag pa ng FDA, ang mga naunang listahan ng COVID-19 test kits na aprubado nila ay gumagamit ng real time polymerase chain reaction (RT PCR).
Nangangahulugan ito na kinakailangan pa ng PCR machine sa laboratoryo at mga tauhan na may sapat na kaalaman hinggil sa proseso ng paggamit nito.
Samantala, una nang sinabi ng Department of Health na tanging ang RITM lamang ang maaaring magproseso ng mga naturang test kits.